‘Loglogan’ ni Waday, naging restoran, salamat sa DOLE

Date Posted: March 30th, 2015 12:39 AM

‘Loglogan’ ni Waday, naging restoran, salamat sa DOLE

 

“Pag binigyan ka ng tulong ng gobyerno, palaguin mo, ‘wag na ‘wag mong sasayangin.”

 

Ito ang pahayag ni Marilou “Ate Malou” Balunso, 37, isa sa limang naging benepisyaryo ng Negosyo Sa Kariton o “Nego Kart” ng Department of Labor and Employment Regional Office No. 5 sa Sto. Domingo, Albay.

 

Sa lima, ang “Loglogan ni Waday” ang tangi at nag-iisang lumago at yumabong. Ito ay dahil nagsikap si Balunso. Bunga rin ito ng pagiging mapagpasensiya at pagiging matiyaga ng kaniyang pamilya.

 

“Malaki ang pagpapahalaga ng pamilya Balunso sa tulong na ipinagkaloob sa amin ng DOLE,” aniya.

 

Ang dating kariton ni Balunso, ngayon ay isa nang malaki at sikat na restoran sa Sto. Domingo.

 

“Noon walang gustong magpautang sa amin kasi P100, kasi daw wala naman kaming pambayad. Pero ngayon, halos lahat yata ng Bombay pumupunta dito at nag aalok ng pautang. Sabi namin, salamat na lang,” nakangiting kuwento niya.

 

Noon, sa kanto ng isang eskinita sa harap ng isang luma at sira-sirang bahay sa Brgy. Market Site nagtitinda ng barbecue si Ate Malou at asawang si Kuya Cesar. Ngayon, may sarili na silang puwestong inuupahan ng P1,890 kada buwan sa ikalawang palapag ng Sto. Domingo Public Market.

 

Malaki na talaga ang ini-unlad ng “Loglogan ni Waday”. Mula sa isang lamesang gawa sa pira-pirasong coco lumber na pinulot ni Cesar sa isang construction site, nagkaroon na sila ng dalawang gas stove, parehong bigay ng DOLE.


“Natatawa nga ako,” sabi ni Cesar. “Ni hindi ako marunong magsindi ng gas stove noon. Siguro mga isang linggo pa bago ko na-master ang pagsindi ng gas stove, kasi nga uling lang ang alam kong gamitin at ‘yung durog pa,” sabi niya.

 

“Masarap magbalik-tanaw lalo na kung nakausad ka na sa buhay,” dagdag Malou.

 

“Siguro, naikot na namin ang boung Sto. Domingo sa pagpapalipat-lipat ng puwesto, kasi nga ipinagtatabuyan kami bilang side walk vendor. Kapag sinisita kami, bibitbitin namin lahat, tapos lipat. Nagkakanda-paso kami ng uling. Ganoon po ang buhay namin dati. Talagang napakahirap,” sabi ni Malou habang ipinapakita ang mga naghilom na paso sa kamay.

 

Nagsimulang mabago ang kapalaran ng pamilya Balunso dahil sa DOLE Nego Kart Project. Dito dumating ang lahat ng “suwerte nila sa buhay”. “Dahil sa Nego Kart, hindi na kami nakikipag-patintero sa mga opisyal ng munisipyo. Naging lehitimo ang aming negosyo,” sabi ni Cesar.

 

“Natuto kaming kumilos ng mabilis. Pati ‘yung mga bata, tinuruan na naming tumulong, lalo na noong maisipan naming magluto ng loglog. Alam na nila ang gagawin pagising sa umaga bago pumasok at pagdating galing eskwela. May kaniya-kaniya na silang toka,” paliwanag pa ni Cesar. May limang anak ang mag-asawa: si Renzo June, 15, at katatapos lamang ng haiskul; si Junela, 14, Grade 8; si John John, 12, Grade 7; Yanie, 10, Grade 5; at si Em-Em, 9, at Grade 4. Sila ang nabiyayaan sa pag-angat ng pamilya.

 

Ang dating pinagtatabuyang street vendor na nagkakasya sa mga “tirang” gamit, ngayon ay employer na rin. Tatlo ang kanilang waiter, na puro stay-in mula nang magbukas ang restoran at libre sa pagkain. “Kung ano ang kinakain namin ‘yun din ang kinakain nila. Parang ka-pamilya namin sila,” sabi Ate Malou.

 

“Mabait po sina Ate. Nagpapasalamat po ako na nakapasok ako dito, kasi ako po ang inaasahan ng pamilya namin. Mahirap po maghanap ng trabaho at mas mahirap maghanap ng mabait na amo. Kaya po pinagbubutihan ko ang trabaho para mas dumami ang kustomer namin,” ani Ariel Escaluche, 20, isa sa tatlong waiter na taga Brgy. San Isidro, Sto. Domingo. Isang taon na siya sa restoran, na binuksan ng mag-asawa noong Pebrero 1, 2014.

 

Mula sa Nego Kart at kalahating kilong pansit-loglog araw-araw, ngayon ay bulto-bulto ang iniluluto sa “Loglogan ni Waday’ sa loob ng maghapon. Kakaiba ang lasa at sarap ng kanilang loglog dahil sa nakagawa ng sariling chili sauce ang mag-asawa.

 

“Isa ito sa aming sekreto. Ngunit hindi sekreto ang aming presyo, na P12.00 sa isang regular na loglog, at P35 sa espesya. Dito kami dinarayo,” ani Ate Malou. Bilang patunay ng sarap ng loglog ni Ate Malou, dalawang beses na siyang nilapitan at inaalok na gawing franchise ang kaniyang restoran.

 

Tatlong doble na ang ini-angat na puhunang bigay ng DOLE kay Ate Malou. Umaabot na sa malinis na P5,000 ang kita nang mag-asawa isang araw.

 

Sa paglago ng ‘Loglogan ni Waday’, nasabi ni Brgy. Market Site Chairperson Ofelia Balunso, kamag-anak ni Ate Malou, na malaking tulong ang livelihood program ng DOLE sa kamay ng karapat-dapat. Si Chairperson Balunso ang nagrekomenda kay Ate Malou sa DOLE upang mabigyan ng pagkakataon.

 

“Mahirap maghanap ng benepisaryo sa livelihood. Hindi mo alam kung seseryosuhin.
Maraming nagsasabi sa akin na bakit daw ang ibang barangay madaming nire-request sa DOLE, pero dito sa Market Site konti lang. Ang dahilan ay ayaw kong mapahiya sa oras na walang mangyari sa livelihood. Sa akin, kahit isa lang at kahit hindi ko kaanu-ano, basta nakita kong maayos, walang bisyo, at desidido sa buhay, ‘yan ang irerekomenda ko,” sabi niya.

 

Lalo pang sumikat ang “Loglogan Ni Waday” ng mai-tanghal ito ng Bombo Radyo Legazpi noong Oktubre sa programang “Negosyo at Trabaho” ni Bombo Kim Reolo. Sa katunayan, dalawang malalaking istasyon pa ng radyo at telebisyon ang nagpahiwatig ng interes at nakipag-ugnayan sa DOLE regional office upang mai-feature ang kuwento ni Ate Malou.

 

Sa ngayon, nag-iipon na ang pamilya Balunso upang makapagpatayo ng sariling bahay. “Maraming salamat po DOLE. Sa inyo nagsimula ang lahat,” sabi ni Malou.

 

For orders, call or text LOGLOGAN NI WADAY, 09227601018. Also visit the restaurant at 2nd Floor, Public Market, Sto. Domingo, Albay.

 

END/escalanter/mallorca

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo