Dagdag benepisyo, pinalawak na oportunidad, handog ng bagong SPES Program

Date Posted: December 26th, 2016 06:36 PM

Mas pinalawak na ang oportunidad at dagdag na benepisyo na ang makukuha ng mga kabataan matapos na amyendahan at rebisahin ang programa ng Department of Labor and Employment (DOLE) na Special Program for the Employment of Students (SPES).

 

Ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III, sa ginanap na year-end press briefing, ang na-amyendahang Republic Act 10917 ay hindi lamang makatutulong sa mga mahihirap pero karapat-dapat na mag-aaral at out-of-school-youth dahil mas magkakaroon na sila ng access sa employment-bridging program nito.

 

“Under the SPES law, we will not only be serving poor but deserving students and out-of-school youth, but also dependents of displaced workers, and would-be displaced workers due to business closures or work stoppages, or natural calamities, who intend to enroll in any secondary, tertiary or technical-vocational institutions,” ani Bello.

 

Batay sa bagong batas, mas pinahaba na ang SPES Employment Period mula sa 52 hanggang sa 78 araw o tatlong (3) buwan, maging ang age limit sa mga benepisyaryo na 15 hanggang 25 taong gulang ay itinaas na rin sa 15 hanggang 30 taong gulang.

 

Dagdag pa rito, ang mga mag-aaral na namamasukan sa mga aktibidad na kabilang sa kanilang kursong kinukuha ay maaaring magkamit ng katumbas na academic at practicum o tinatawag ring on-the-job training credits.

 

“Under the new law, the SPES beneficiaries will be also be entitled to social protection by virtue of an insurance coverage with the Government Service Insurance System (GSIS) for a period of one (1) year,” paliwanag pa ng kalihim.

 

Sinabi naman ni Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique R. Tutay, na maglalabas rin ng guiding at regulatory documents ang DOLE para sa SPES Implementation matapos ang sapat na konsultasyon at endorsement ng mga key stakeholders.

 

Magugunitang ayon sa RA 7323 noong 1992, ang nasabing programa ay may layong mabigyan ng trabaho ang mga kabataan higit lalo ang mga mahihirap ngunit karapat dapat na high school, vocational at college students, ng oportunidad rin na kumita para sa kanilang pamilya tuwing summer, at Christmas Breaks.

 

Una ng inamyendahan ang SPES Act ng RA 9574 noong 2009 na nagpalawak sa sakop at mga benepisyaryo ng programa at isinama ang mga out-of-school youth o student drop-outs na may magandang track record pero napilitang tumigil sa pag-aaral dulot na rin ng kahirapan at kakapusan sa pera at upang hikayatin silang muling mag-enroll at mag-aral sa susunod na school year.

 

Hinihikayat rin ang mga pribadong kumpanya at employers na makiisa upang makahubog ng mga responsableng mamamayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho sa mga mag-aaral at mabigyan sila ng pantay at patas na pagkakakitaan.

 

“Employers pay in cash 60 percent of the salary of student beneficiaries, while the remaining 40 percent is shouldered by the government to be paid also in cash to be used for the students’ tuition fees and other education related expenses including their daily allowance for food and transportation in going to school,” dagdag pa ni Tutay.

 

Samantala, si Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara ang nag-author at nag-sponsor ng orihinal na Senate Bill (SB) No. 3090. Ito naman ay na-adopt bilang amendment sa House Bill (HB) No. 6414 sa House of Representatives, na authored at sponsored naman ni Representative Karlo Alexei B. Nograles.

 

#paulang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo