Kampanya ng DOLE vs. child labor, ungos sa 2016

Date Posted: December 29th, 2016 03:41 PM

Malaking mga hakbangin at pagbabago ang naisulong ng pamunuan ng Department of Labor and Employment (DOLE) laban sa child labor, kabilang ang hindi katanggap tanggap na anyo nito sa loob lamang ng pitong buwan ng panunungkulan ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

 

“Nagkamit tayo ng malaking pagbabago upang labanan ang laganap na child labor sa mga mahihirap na komunidad, higit lalo ang mga mapanganib pang anyo nito,” wika ni Bello.

 

Ayon kay Bello, nalalagay sa panganib ang pisikal, mental, at moral na aspeto ng isang bata dahil sa bawal na paggawa, lalo na kung ito ay nasa hazardous work.

 

Sinabi ng Kalihim na noong Setyembre, ang United States Department of Labor (USDOL), sa inilabas na Findings on the Worst Forms of Child Labor, naging puspusan ang kampanya ng Pilipinas upang mapuksa sa bansa ang “hazardous forms of child labor.”

 

“Ito na ang ika-apat na taon na naging positibo ang rating ng bansa sa pag-aaral, na nagpapakita ng mga aksyon ng pamahalaan kontra child labor,” sinabi pa ni Bello.

 

Iniulat rin ng Kalihim na mula buwan ng Nobyembre, ang Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC), ay nagsertipika ng 60 barangay bilang “child labor-free” para sa kabuuang bilang na 219 certified barangays mula noong 2014.

 

Umigting pa ang kampanya ng DOLE para sa Child Labor-Free Barangays upang makamit ang layunin na Child Labor-Free Philippines.

 

Samantala, nagkaloob ang DOLE Regional Offices ng Child Labor-Free Certificates sa 38 establisyimento para sa kabuuang 199 CLFE certified establishments mula taong 2013. Ang Child Labor-Free Establishment Certificate ay ipinagkakaloob sa isang establisyimento o kompanya na hindi tumatanggap ng mga kabataan upang magtrabaho at hindi gumagamit ng mga produkto mula sa child labor. 

 

Nilalayon ng pagkakaloob ng Child Labor-Free Establishment Certificate na gawing responsable at masiguro na sumusunod ang mga establisyimento o kompanya sa panuntunan ng DOLE patungkol sa child labor.

 

Samantala, noong Agosto 16, 2016, naglabas si Bello ng Administrative Order No. 439, Series of 2016, o ang Child Protection Policy of the Department of Labor and Employment, na kinapapalooban ng mga panuntunan, patakaran, at proseso kaugnay ng pagbuo ng child-safe and child-friendly organization; pagtaas sa antas ng kamalayan; pagkontra sa pang-aabuso; recruitment at pagsasanay; management system; panuntunan sa tama at hindi tamang asal; naaayong pakikitungo sa mga kabataan; at pagbibigay pansin, pag-uulat, at pagsagot sa mga di umano’y kaso ng pang-aabuso.

 

#paulang
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo