Labor migration wawakasan ng DOLE

Date Posted: December 29th, 2016 03:43 PM

Nanindigan si Labor Secretary Silvestre H. Bello III na desidido ang pamahalaan na magbigay ng disente at maayos na trabaho upang wakasan na ang labor migration sa bansa.

 

Ayon kay Bello, tutok ang Duterte Administration sa layunin na “magbibigay ng disente, patas, at sapat na kita sa bawat Pilipino sa bansa upang wala nang mapipilitang mag-iisip na mamasukan sa ibayong dagat.”

 

“Sa tulong ng ating mga katuwang sa layunin na ito, naniniwala kami na makakamit natin ang pagbibigay ng maayos at disenteng trabaho upang matapos na ang nakasanayang tradisyon nang sapilitang pamamasukan sa ibang bansa.” sabi ni Bello.

 

Dinagdag pa ng Kalihim na batid at pinahahalagahan ng pamahalaan ang tulong na ipinaaabot ng grupo ng Migrante sa mga Overseas Filipino Workers (OFW).

 

“Pinahahalagahan ng gobyernong ito ang malaking ambag at ang hindi matatawarang dedikasyon ng Migrante upang masiguro na ang karapatan ng mga overseas Filipino workers ay napananatili. Kami ngayon sa pamahalaan ay itinuturing kayo bilang aming katuwang sa pag-alalay sa ating mga bagong bayani na nagsasakripisyo sa ibayong dagat,” dagdag pa ni Bello.

 

Ipinatupad ng DOLE ang OFW Welfare and Protection Programs, tulad ng repatriation ng mga apektadong manggagawa sa Saudi sa ‘Bring them Home’ mission na nakapagbigay ayuda sa 10,000 displaced OFWs sa Middle East oil crisis.

 

Pinalalakas rin ng DOLE sa pamamagitan ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA), ang kampanya laban sa Illegal Recruitment and Trafficking in Persons sa pagbibigay ng tulong legal sa mga nabibiktima nito, maging ang pagtugis mga illegal recruiters. Patuloy rin ang information campaigns, sa mga OFWs upang hindi mabiktima ng mga illegal recruiters.

 

Mula noong Hulyo 2016, nakapagsagawa na ang POEA ng 26 sessions ng Anti-Illegal Recruitment Seminars na dinaluhan ng 2,133 katao. Nakipagtulungan na rin ito sa iba’t ibang private organizations sa 49 Memorandum of Understanding sa kampanya kontra illegal recruitment.

 

Pinalakas din ang operasyon at serbisyo ng Assist WELL centers upang umagapay sa mga umuwing OFW kasama na ang mga nawalan ng trabaho bunsod ng krisis sa bansang kanilang pinapasukan.

 

Ang Assist WELL o ‘Welfare, Employment, Legal, and Livelihood’ ay ang programa ng ahensya na nagbibigay ng tulong sa mga OFW.

 

#paulang


 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo