Regalo ni Bello sa tiwaling Labor Inspectors: Revamp

Date Posted: December 29th, 2016 03:45 PM

Inihayag ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III na sisibakin sa kanilang puwesto ang labor inspectors na nagbibingi-bingihan at bulag sa mga paglabag ng mga employer.

 

“Papalitan at babalasahin ko ang mga tao dito sa departamento kabilang ang mga labor inspectors,” wika Bello, na nagsabing maaari ring humarap sa kasong administratibo ang mga kawani ng DOLE kung mapatutunayang tumanggap ng anumang klase ng suhol mula sa mga employer.

 

Giit pa niya “May mga report na natatanggap tungkol sa mga bulag at bingi na mga labor inspector na hindi nakikita ang paglabag ng ibang kompanya at employers. Isang halimbawa rito ang estado ng mga salesladies na pinagbabawalang magkaroon ng sandaling pahinga sa kanilang mga duty.” 

 

“Papalitan namin ang inspectors na mga walang mata at bingi,” ayon pa kay Bello.

 

Nanindigan rin ang Kalihim na patuloy na ipaglalaban ng Labor Department ang pantay na karapatan at proteksyon ng mga manggagawa. Hinikayat din niya ang publiko na magreport sa Hotline 1349 ukol sa mga tiwaling inspektor.

 

Sinabi pa niya na pinagtutuunan ng pansin ng DOLE ang mga pang-abuso ng ibang ospital sa bansa, kasama na ang reklamo na ang on-the-job trainees ay gumagawa ng mga regular na trabaho at pinapapasok nang higit nang walang bayad.

 

Sinabi pa ni Bello na may mga ulat tungkol sa paniningil ng mga pribadong ospital sa mga nurse na nais sumailalim sa training at magkaroon ng experience.

 

“Ito ay malinaw na paglabag sa labor standards. May mga nurse na nais magsanay sa mga ospital ngunit sila pa ang nagbabayad sa mga ospital para sa training. Anong klaseng patakaran yan? Panahon na upang suriing mabuti ang mga ospital ng mga labor inspectors,” galit na sinabi ni Bello.

 

Dinagdag pa niya na “Para hayaan at palagpasin ito ng aming mga inspektor, ito ang pinakamatinding anyo ng katiwalian at kasinungalingan.”

 

Samantala, siniguro ng kalihim na patuloy na lalaban ang DOLE sa karapatan at proteksyon ng mga manggagawa, subalit kinakailangan na lumaban at isumbong sa kanila ang mga hinaing at paglabag upang agad itong maaksyunan.

 

#paulang
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo