POEA muling nagbabala sa mga pekeng trabahong inaalok sa internet

Date Posted: January 6th, 2017 05:57 PM

Muling naglabas ng babala ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga pekeng trabahong iniaalok sa internet gamit ang email at social media.

 

Nakatanggap kamakailan ang POEA ng kopya ng email kung saan nakasaad dito na napili ang pinadalhan ng email para sa umano’y trabaho sa Canada at ang mga kinatawan ng employer ay nasa Pilipinas upang interbiyuhin ang mga aplikante.

 

Ipinapangako ng nagpadala ng email na walang babayarang placement at processing fee, pero kailangang magbayad ang mga aplikante ng P3,800 para sa kanilang slot reservation.

 

Sinasabi ng nagpadala ng email na may umiiral daw itong partnership sa isang lisensiyadong recruitment agency dito sa Pilipinas na siyang nagbibigay ng seminar at nagpoproseso ng mga dokumentong pang-empleo.

 

Iba’t ibang trabaho ang iniaalok kabilang ang pagtatrabaho sa sakahan, pamimitas ng prutas, manggagawa sa pabrika, medical staff, caregiver, engineer, truck driver, at office worker.

 

Hinihikayat ng scammer ang mga aplikanteng ng mga magagandang benepisyo tulad ng mataas na sahod, 250 porsiyentong overtime pay, at bayad na bakasyon.

 

Inaatasan ang mga aplikante na ipadala ang kanilang reservation fee sa pamamagitan ng mga money remittance company. Ngunit matapos matanggap ang bayad, hihinto na ang scammer sa pakikipag-usap sa mga biktima.

 

END/POEA/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo