Balik trabaho sa DLTB: Unyon, management, pumirma ng kasunduan

Date Posted: January 10th, 2017 09:10 AM

Normal na ang operasyon sa pinakamalaking kompanya ng bus sa Southern Luzon matapos na magpirmahan na ng kasunduan ang Delmonte Land Transport Bus Company, Inc. (DLTB) at DLTB Labor Union-AGLO, ayon kay Labor Secretary Silvestre H. Bello III.

 

“Para na rin sa kapayapaan at hindi na malagay pa sa alanganin ang kapakanan ng publiko, ang mga namamahala ng DLTB at ang unyon ng manggagawa ay nagkasundo na upang maibalik na sa normal ang operasyon ng kumpanya ng bus.” paliwanag ni Bello.

 

Batay sa kasunduan, ay agad nang ititigil na ng DLTB Labor Union-AGLO ang isinasagawa nilang welga.

 

Lahat naman ng mga nagwelgang empleyado liban ang mga natanggal na bago pa ang paglalabas ng ‘Certification order of the secretary’ noong Disyembre 28, 2016 ay maaari nang bumalik sa kani-kanilang mga trabaho sa ilalim ng parehong kontrata nila bago pa naganap ang welga.

 

Babalik na muli sa normal ang operasyon ng kumpanya ng bus habang lahat ng mga nagwelgang empleyado ay muli ng tatanggapin ng DLTB.

 

Ang mga kaso naman na isinampa ng DLTB management sa DOLE Regional Office 4-A at ang ‘compulsary arbitration’ sa National Labor Relations Commission (NLRC) ay mananatili sa mga nasabing opisina sa bisa ng kautusan ni Bello noong Disyembre 28, 2016.

 

Hindi na rin pag-uusapan pa ang nasabing isyu at kaso sa ilalim ng conciliation and mediation services ng National Conciliation and Mediation Board (NCMB).

 

Sa panig naman ng unyon, ang kasunduan ay pinirmahan ni Ronald Austria, pangulo; Frankie Fernandez, bise-presidente, at Carlito Abergos, chairman of the board.

 

Habang ang kumatawan naman sa panig ng DLTB Bus Company ay si Atty. Narciso Morales sa harap nina Atty. Jaime Miralles ng AGLO at ni Valentino Dionela at Joselyn Bonnie Valeros ng DLTB Bus. Co.

 

Tumayo naman bilang tagapamagitan at witness ng kasunduan sina Labor Secretary Bello at Undersecretary na sina Dominador R. Say at Bernard P. Olalia.

 

Magugunitang nagsimula ang protesta ng DLTBLU-AGLO noong Disyembre 26, 2016 matapos na umanoy hindi maibigay ng kumpanya ng bus ang sweldo ng mga empleyado maging ang kanilang 13th month pay.

#paulang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo