One-Stop Service Center sa OFW (OSSCO), bukas na sa 15 probinsya

Date Posted: January 10th, 2017 04:55 PM

Abot kamay na ng mga overseas Filipino workers ang serbisyo ng pamahalaan sa mga One-Stop Service Center for OFWs (OSSCO) matapos na buksan ito sa 15 probinsya sa labas ng Metro Manila.

 

Pormal ng binuksan ng Department of Labor and Employment (DOLE) Regional Offices, kasama ng Philippine Overseas Employment Administration, ang mga OFW one-stop centers sa mga sumusunod na lokasyon: Manna Mall, San Fernando City, La Union; City Tourism Office, Tuguegarao City, Cagayan; Baguio Convention Center, Baguio City; Clark Freeport Zone, Pampanga; OWWA Regional Office 4A sa Calamba City; Robinson’s Place, Puerto Princesa City; Pacific Mall, Legaspi City; SM City, Cebu City; Robinson’s Place, Iloilo City; Robinson’s Place, Bacolod City; DOLE Regional Office No. 8, Tacloban City; Goodwill Center, Zamboanga City; OWWA Regional Office No. 10, Cagayan de Oro City; Butuan City Hall Complex, Butuan City at sa bagong City Hall ng Koronadal City.

 

Sa pamamagitan ng OSSCO, mas abot na ng mga Pilipinong manggagawa at mga nagpaplanong magtrabaho sa ibang bansa ang mga frontline services ng pamahalaan. Bukas ang mga center mula 8:00 A.M. hanggang 5:00 P.M., Lunes hanggang Biyernes.

 

Magugunitang unang binuksan ang OSSCO noong August 15, 2016 sa opisina ng POEA sa lungsod ng Mandaluyong.

 

Liban sa pagkakabawas sa oras ng pagproseso ng mga dokumento, ang mga one-stop-shop ay may layon ring maibsan ang gastusin ng mga OFW sa tulong ng mga serbisyo ng pamahalaan na maaari ng makuha sa iisang lokasyon lamang.

 

Ang mga ahensya ng pamahalaan na maaaring tunguhin sa mga OSSCO ay ang Department of Foreign Affairs (DFA), Philippine Overseas Employment Administration (POEA), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Professional Regulation Commission (PRC), Maritime lndustry Authority (MARINA), Home Development Mutual Fund (HDMF), Philippine Health lnsurance Corporation (PhilHealth), Social Security System (SSS), Philippine Statistics Authority (PSA),  Bureau of Immigration (BI),  National Bureau lnvestigation (NBI), Commission on Higher Education (CHED), Tourism lnfrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Philippine National Police (PNP), at Bureau of lnternal Revenue (BIR).

 

#paulang
 

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo