OFWs sa South Korea makikinabang sa pagtaas ng minimum na sahod simula 2017

Date Posted: November 3rd, 2016 07:09 PM

Ikinagalak ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Korea ang ipinahayag ng Ministry of Employment and Labor (MOEL) na bagong minimum na sahod na KRW 6,470 (Php P268.73) kada oras para sa 2017.

 

Sa kanyang ulat kay Kalihim Silvestre H. Bello III, sinabi ni Welfare Officer Manuela Peña, Officer-in-Charge ng POLO-Korea, ang minimum na sahod para sa 2017 ay nagpapakita ng 7.3 porsiyentong pagtaas sa kasalukuyang minimum na sahod na KRW 6,030, o P250.46 kada oras,” ani Peña.

 

Sinabi ni Labatt Peña na sakop ng bagong minimum na sahod na nakatakdang ipatupad sa susunod na taon ang mahigit 24,000 OFWs na nasa small and medium manufacturing industries ang nagtatrabaho sa ilalim ng Employment Permit System (EPS).

 

Batay sa Labor Standards Act ng Korea, sakop ng bagong minimum na sahod ang lahat ng manggagawa, anuman ang estado ng kanilang empleo, sila man ay temporary, arawan o part-time; o nasyonalidad, kasama ang mga banyagang manggagawa.

 

Ang bagong minimum na sahod ay KRW 51,760 (P2,149.87) kada araw para sa 8-oras na arawang trabaho; o KRW 258,800 (P10,749.34) para sa 5 araw na trinabaho. Ito ay katumbas ng KRW 1,352,230 (P56,165.28) kada buwan.

 

Mahigpit na babantayan ng pamahalaan ng South Korea, sa pangangasiwa ng Labor Standards Policy Department, ang kondisyon ng empleo, suporta sa empleo, at pamamahala sa mga lugar-paggawa upang matiyak na naipatutupad ang bagong minimum na sahod.

 

END/Tim Laderas/CMAM/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo