Sa itinakdang Vis-Min summit, Bello hinihiling ang kasunduan sa ‘endo’

Date Posted: November 3rd, 2016 07:10 PM

Iniatas ni Kalihim Silvestre H. Bello III ang pagsasagawa ngayong buwan ng labor summit sa Mindanao at Visayas sa layuning makuha ang pagkakaisa mula sa iba’t ibang grupo ng manggagawa ukol sa mga isyu sa paggawa, kabilang ang kontraktuwalisasyon.

 

“We want the labor groups to provide recommendations and inputs on addressing issues concerning labor rights and standards, migration, women’s sector, informal sector, industrial policy and economic roadmap, wages, prices, and tax reforms,” ani Bello.

 

Gaganapin sa Davao ang Mindanao summit sa Nobyembre 11, samantalang ang Visayas summit ay gaganapin sa Nobyembre 18 sa Cebu City.

 

Ani Bello, “Gusto naming makakalap ng maraming impormasyon. Sa pamamagitan ng mga summit, ako ay naniniwala na ang ating manggagawa ay makalilikha ng unified proposal sa kontraktuwalisasyon.”

 

Ang Luzon labor summit ay ginanap sa Quezon City noong nakaraang buwan.

 

Matapos ang summit, magpupulong ang mga kinatawan mula sa employer at manggagawa upang isapinal ang polisiya na tutugon sa kontraktuwalisasyon.

 

Nauna nang nagprisinta ang grupo ng mamumuhuan ng kanilang win-win proposal para sa negosyante at manggagawa upang matigil ang end-of-contract o “endo” scheme. Ngunit ang proposal ay hindi tinanggap ng mga manggagawa.

 

END/CTM/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo