847 OFW sa Kuwait hindi sumusuweldo; Mas maraming OFWs ang makakatanggap ng tulong

Date Posted: November 4th, 2016 03:28 PM

847 OFW sa Kuwait hindi sumusuweldo

Mas maraming OFWs ang makakatanggap ng tulong

 

Ibibigay ng pamahalaan ang lahat ng kinakailangang tulong ng 847 OFWs na nasa Kuwait, kasama na ang pag-papauwi pabalik ng Pilipinas, pahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE).

 

Ang mga OFW na nasa Kuwait ay karagdagan sa mahigit 10,200 OFW mula sa Riyadh, Al Khobar, at Jeddah na nabigyan na ng tulong ng pamahalaan dulot ng pagbagsak ng presyo sa krudo sa Middle East ng nakaraang taon.

 

Sinabi ni Bello na ang 847 OFWs ay hindi pa nakakatanggap ng sahod ng dalawa hanggang apat na buwan mula sa kanilang employer, ang Kharafi National KSC.

 

Sa bilang na ito, 773 ang laborer at 74 ang nasa supervisory, engineering, at administrative position.

 

Sinabi ni Bello na batay sa ulat ni Labor Attache Angelita Narvaes ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Kuwait, nakipagpulong ang mga kawani ng POLO sa Kharafi National KSC upang pag-usapan ang paulit-ulit na problema sa pagkaantala ng pagbabayad ng sahod.

 

Sa ginanap na pagpupulong, nangako ang management ng Kharafi na kanilang babayaran ang kanilang obligasyon sa mga apektadong OFW bago magtapos ang Oktubre.

 

Iniulat din ni Narvaes na pumayag ang kompanya sa Kuwait na payagan ang mga manggagawa na magbitiw sa kanilang trabaho at pauwiin sila sa Pilipinas.

 

Papayagan naman ang mga manggagawang humiling na makalipat sa ibang kompanya sa Kuwait ngunit kinakailangan na sila ay nakapagtrabaho sa Kharafi ng mahigit sa tatlong taon.

 

Noong nakaraang Agosto, iniatas ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na diskwalipikahin ang Kharafi National KSC mula sa overseas employment program ng bansa. Ito ay matapos hilingin ng POLO-Kuwait sa POEA na ipatigil ang pagdedeploy ng OFW sa Kharafi dahil sa paulit-ulit na problema ng hindi pagbabayad ng suweldo sa kanilang manggagawa.

 

END/CTM/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo