Tiniyak, tulong sa pamilya ng pinaslang na OFW sa Oman

Date Posted: November 4th, 2016 04:35 PM

Tatanggapin ang lahat ng kinakailangang tulong mula sa pamahalaan ng pamilya ng overseas Filipino worker (OFW) na natagpuang bangkay sa Azaibah Area Muscat sa Oman, pahayag kahapon ni Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE).

 

Sinabi ni Bello na ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), isang ahensiya sa pangangasiwa ng DOLE, ang mag-uuwi sa labi ni Pinky Esmeria B. Pamittan. Si Pamittan ay isang housekeeping supervisor sa Ramada Hotel sa Oman, ay natagpuang walang buhay noong 28 Oktubre 2016.

 

Agad na ipinaabot ni Bello ang kanyang pakikidalamhati at pakikiramay sa pamilya ng biktima ng kanyang mabalitaan ang trahedya.

 

“Nakikipag-ugnayan ang POLO-Oman sa pamilya ni Pinky Pamittan at kanila ring binabantayan ang pag-usad ng kaso,” ani Bello.

 

Kanya ring inatasan ang OWWA na ibigay ang kakailanganing tulong, partikular ang repatriation at airport services para sa labi ni Pamittan bilang regular na miyembro ng OWWA.

 

Batay sa ulat ni Labor Attache Nasser Mustafa ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Oman, sinabi ni Bello na ipinaalam na sa pamilya ni OFW Pamittan na sasagutin ng OWWA ang lahat ng gastusin para sa pag-uwi ng labi ng yumao.

 

Sinabi ni Bello na ipinaalam na rin sa ina ni OFW Pamittan ang mga dokumentong kakailanganin para makuha nila ang death insurance benefit na Php 200,000.00 at tulong sa pagpapalibing na P20,000.00.

 

“Dahil isa siyang active member ng OWWA bago siya pumanaw, may karapatan ang kanyang pamilya na makatanggap ng insurance at death benefit, tulong-pangkabuhayan at monetary allowance,” ani Bello.

 

Ayon sa ulat ni Labor Attache Mustafa, kasama umano ni Pamitaan ang dalawang lalaking Indian nasyonal na kanyang ka-trabaho bago nangyari ang aksidente. Ang nasabing Indian nasyonal ay nasa kustodiya ng Oman Police para sumailalim sa imbestigasyon at pagsisiyasat.

 

Dineploy si Pamittan noong 24 Marso 2016 sa Oman sa pamamagitan ng Philippine Recruitment Agency (PRA)-E GMP International Corporation and Foreign Recruitment Agency (FRA)-Ikhtiar Trading and Contracting LLC.

 

END/CTM/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo