OFW agri-business para sa OFWs sa Dubai

Date Posted: November 13th, 2016 10:16 AM

Inilunsad ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai ang agricultural business program para hikayatin ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na magnegosyo na makalilikha ng trabaho sa kani-kanilang bayan at komunidad.

 

Sa ulat ni Labor Attache Ofelia Domingo kay Kalihim Silvestre H. Bello III ng Paggawa at Empleo (DOLE), sinabi niya na ang programang “Dubai Entrepinoy Reintegration Program,” ay magbibigay daan para sa pag-unlad ng ekonomiya at sa reintegrasyon ng mga OFWs mula sa Dubai at Northern Emirates dahil sa nilalayon nitong makatulong sa mga OFW at kanilang pamilya.

 

“Nilalayon nitong makatulong sa pagbuo at implementasyon ng programang tutugon sa mga pangangailangan ng OFW at ng kanilang pamilya na naayon sa pangangailangan ng kanilang komunidad, upang mapakinabangan ng husto ang benepisyo ng migrasyon sa pagpapaunlad ng ating bansa,” ani Domingo.

 

Ang programa ay ipatutupad ng POLO-Dubai sa pakikipagtulungan ng Philippine Consulate General Dubai and Northern Emirates (PCG-DNE), Filipino Human Resources Practitioners’ Association (Fil-HR-Dubai), Don Bosco Multipurpose Cooperative (DBMC), at ang munisipalidad ng Mlang, North Cotabato.

 

Sinabi ni Domingo na bahagi ng programa ang produksyon ng organic rice, na manggagaling mula sa munisipalidad ng Mlang, North Cotabato, na kinikilalang pinakamahirap na probinsiya ng Pilipinas at ito ay ipamamamahagi sa UAE, sa pamamagitan ng DBMC.

 

Nagmamay-ari ang DBMC ng 159 ektaryang lupa na pinagtataniman ng internationally certified organic rice at halal rice sa Mlang, kung saan mabibigyan ng pagkakataon ang mga kasambahay ng karagdagang hanapbuhay. “Habang ang produksiyon ay gagawin sa Pilipinas, ang mga OFW sa UAE naman ang mamamahala sa marketing, distribution at financing,” ani Domingo.

 

Bago ito nailunsad, nagsagawa ng briefing si Romano Laurilla, general manager ng DBMC, sa technical working group, kasama ang unang 15 mamumuhunan sa organic farming at marketing sa POLO-Dubai.

 

Kanyang ipinahayag na maliban sa paglikha ng trabaho, ang programa ay makakatulong din sa kalusugan ng mga magsasaka at mamimili, at sa pangangalaga ng ating kapaligiran dahil hindi ito ginagamitan ng inorganic fertilizers at pesticides sa produksyon ng bigas.

 

END/POLO-Dubai report/Tim Laderas/GMEArce

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo