P1.45-M Tulong Pinansyal, Tinanggap ng Bayan ng Quirino mula sa DOLE RO-2

Date Posted: January 6th, 2017 06:11 PM

Tumanggap ng P1.45 milyong pisong tulong pinansyal ang lokal na pamahalaan ng Sagunday sa probinsya ng Quirino mula sa Department of Labor and Employment (DOLE) sa pamamagitan ng Quirino Regional Field Office (RO-2).

 

Ayon kay Maria Theresa T. Ronquillo, hepe ng Quirino RO-2, ang nasabing halaga ay tutulong para sa mga proyektong pangkabuhayan ng 151 benepisyaryo maging para sa emergency employment ng nasa 30 manggagawa.

 

Pawang mga solo parents, benepisyaryo ng 4P’s, at magsasaka ang benepisyaryo ng proyektong pangkabuhayan kung saan maaari silang mamuhunan sa ‘fossilized flowers’ o sa negosyong ‘bamboo crafts making’.

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Mayor Marcelina Pagbilao ng Saguday sa DOLE RO-2 para sa naibigay na tulong pinansyal nito na may layong iangat ang estado ng pamumuhay ng kanilang mga residente.

 

“Salamat sa patuloy na pagsuporta at pagtulong sa aming maliliit na munisipyo at sa pagpapaunlad sa ikinabubuhay ng aking mga kababayang kapus palad,”

sinabi ni Mayor Pagbilao.

 

Hinimok rin ng alkalde ang mga benepisyaryo na gamitin sa mabuti at pagyabungin pa ang tulong pangkabuhayan na kanilang nakuha mula sa DOLE RO-2.

 

“Pagbutihin ang ibinigay na biyaya, pagyamanin at bigyan ng importansya, dahil minsan lang ito at huwag ito sasayangin,”

dagdag pa ni Mayor Pagbilao.

 

Paliwanag pa ni Pagbilao, na sa pamamagitan ng mga programa at serbisyo ng DOLE, ay nakita niya ang maraming pagbabago sa buhay ng kanyang mga nasasakupan. Sinabi pa niya na ang mga nagtitinda sa kalye na nakatanggap ng tulong na ‘Negosyo Kariton’ mula sa DOLE RO-2, ay napag-aaral na ang kanilang mga anak at patuloy pang pinayayabong ang kanilang maliit na negosyo. Umaasa siya na ang mga bagong benepisyaryo ng programa ay tutularan rin ang dedikasyon at tiyaga ng mga nasabing mga manininda.

 

Nagmula ang pinansyal na tulong sa Integrated Livelihood and Emergency Employment Program (DILEEP) ng DOLE. Ito ay ambag ng kagawaran sa pamahalaan upang tuluyang maibsan ang laganap na kahirapan sa pamamagitan ng pagbuo ng mga programang magbibigay ng maliit na negosyo at kita sa mga mamamayan.

 

Ang ‘emergency employment’ naman ang programang inilulunsad matapos ang mga kalamidad tulad ng bagyo sa bansa na naglalayong makapagbigay ng mabilisang pagkukunan ng pagkakakitaan ng mga apektadong residente at manggagawa.

 

#paulang

    Search Jobs
  • Phil-JobNet Logo